Thursday, June 02, 2011

MAY LIHIM ANG BAHAY-BAHAYAN

MAY LIHIM ANG BAHAY-BAHAYAN

ni Lamberto B. Cabual

May lihim ang bahay-bahayan - ni Lamberto C. Cabual
MASAKIT ang sigid ng init ng araw sa balat, ikasampu pa lamang ng umaga. Sinimulan na ang paggawa ng isang mansiyon na umano’y pag-aari ng isang maykaya. Hindi namin kilala ang may-ari ng ipinagagawang ito. Ayaw raw na magpakilala. Sa isip-isip ko, marahil ay isang malaking pulitiko na ayaw mabisto ang kayamanan sa pangambang baka siya’y imbestigahan at makasuhan ng Inexplicable Wealth.

Isa akong arkitekto, at bukod sa rito’y Civil Engineer pa. Dalawa ang kurso kong natapos. Matiwasay akong nakapagtapos ng high school sa pagpupunyagi ng aking mga magulang. Mapangarapin ako at nag-working student ako sa siyudad. Awa ng Diyos, maluwalhati akong nakatapos ng dalawang kurso na kapuwa ko naipasa sa eksamen ng pamahalaan. Kaya ngayo’y licensed Architect at licensed Civil Engineer ako.

Sa ginagawang malaking gusali, ako ang arkitektong gumuhit ng plano at ako rin ang enhenyero. Hindi ko alam kung sino ang nagpapagawa, basta may kinatawan siyang nakipagkontrata sa akin. Pumayag ako, di ko man kilala ang may-ari, tutal babayaran naman ako sa halagang napagkasunduan. Ang kinatawan ng nagpapagawa ang pumirma sa kontrata.

Ang foreman na raw ang bahala sa lahat, sa pagbili ng mga materyales, pagpapatrabaho sa steel man, kapentero, tubero, electric man at labor. Basta’t ako’y manaka-naka raw lamang na sisilip upang tingnan kung tama ang ginagawa ng mga trabahador. Nguni’t ang nais ko’y tumutok sa ginagawang bahay. Gusto kong makita at masubaybayan nang malapitan ang lahat nilang ginagawa. Hangad kong ang bawa’t bahay o gusaling ako ang arkitektong gumuhit at enhenyerong namamahala ay magawa nang tama sa plano at pulido ang pagkakayari.

Kinausap ko ang kinatawan ng may-ari na gusto ko’y naroroon ako habang ginagawa ang bahay upang makatiyak na magiging maayos ang lahat. Subali’t sabi ng kinatawan ay pangingilagan at kasisilungan ako ng mga manggagawa. Para daw sa kabutihan at kapanatagan ng mga manggagawa, minsan-minsan na lamang akong sumipot. Naroon daw naman ang kapatas para ipatupad ang lahat ng nais ko sa pagpapagawang ito.

Iginiit ko ang gusto ko. Iminungkahi kong magpapanggap akong trabahador din, sasama ako sa mga manggagawang nasa grupo ng labor. Pumayag siya at yaon nga ang nangyari, kaya narito ako, kasamang nagtatrabaho at nagpapawis sa init ng araw.

“Pedro, bilis-bilisan mo nga ang paghahakot ng hallow blocks,” sigaw sa akin ng kapatas. “Aabutin tayo ng kuwaresma sa paggawang ito kung ganyan ka kabagal!”

“Opo,” tugon ko naman habang tagaktak ang pawis sa buo kong katawan.

Ang talagang palayaw sa akin ay Peter, nguni’t dito’y Pedro ang itinatawag nila, palibhasa’y nasa labor group lamang ako, busabos ang pagtingin nila sa akin. Wala silang kamalay-malay na ako ng arkitekto at enhenyero ng pagpapagawa ng malaking tahanang ito. Ngali-ngali na akong mainis, magpakilala, at sila ay pagmumurahin ko. Datapwa’t dahil nga sa may misyon ako, kaya dinagdagan ko ang pagpipigil ng sarili.

“Tumulong ka sa paghuhukay pagkatapos niyan.”

“Masusunod po.”

Malimit kaming binubulyawan na nasa pangkat ng labor hindi lamang ng foreman. Ang iba pang matataas sa amin ang tayo, tulad ng steel man, mason, at karpentero, sa paggawang iyon, ay nambubulyaw din.

Lumipas ang mga araw. Nang makapag-layout at iskuwalado na ang mga sulok, sinimulan ang excavation at kaming nasa labor ay pinapaghukay ng pagbubuhusan ng graba, buhangin at semento. Sabi sa akin ng kapatas ay doon daw mag-aasinta ng hallow blocks. Sa loob-loob ko, talagang bangag ang tingin sa akin ng kamoteng ito. Gusto ko nang mayamot at harapin siya, nguni’t nagpigil pa rin ako.

Tutulong sana ako sa pag-aasinta ng hallow blocks subali’t nagalit ang foreman.

“Kay bagu-bago mo e mag-aasinta ka, naloloko ka na ba?”

“Kung hindi po ako magsisimulang gumawa nito, paano po ako matutoto,” sabi ko.

“Hoy, magtigil ka nga, Pedro, gusto mo bang makagalitan ako ng arkitekto at enhenyerong nagplano at namamahala nito?” wika niyang mabalasik.

Ako ‘yon, sigaw ng isip ko na hindi ko maisatinig. “Pasensiya na po kayo, Bossing, gusto ko lamang po namang makatulong.”

“Doon ka nga sa paghahalo ng buhangin, graba at semento,” nakaismid siya, “at huwag kang parang laging natitikbalang.”

“Opo, Sir,” mahinahon akong nagtungo sa mga naghahalo.

KUNG gabing pagod ako sanhi ng maghapong paggawa, sa pamamahinga’y nagugunita ko si Melinda, ang kasintahan kong lumimot na sa akin. Nasasaktan ako kung naaalaala ko siya.

Kay saya ng aming kamusmusan. Mga bata pa kami’y magkapalagayang-loob na kami. Laging kami ang magkalaro palibhasa’y magkapitbahay. Iisa ang harapan ng aming bahay nguni’t sa gawing likuran ng tahanan ng cute kong kababata ay malimit kaming nagbabahay-bahayan.

“Ikaw ang tatay, ako naman ang nanay, payag ka.”

“Siyempre, payag ako, sabi mo e.”

Napapalakpak si Melinda, “Sige, pasok na tayo sa bahay natin.”

Nasok kami sa bahay-bahayang yari sa pinagsagpi-sagping karton. Karton din ang bubong at halos kasiyang-kasiya lamang kaming dalawa.

“Pa’no naman ako magiging tatay, at pa’no ka naman magiging nanay e wala naman tayong anak.”

“Meron na,” nakapikit na ngumuso siya sa akin.

“Nasa’n?”

“D’yan ka lang,” lumabas si Melinda, “kukunin ko ang anak natin.”

Naghintay akong nakahalumbaba, at di nagtagal bumalik siya. May kung anong dala na nasa kamay niyang nakatago sa likuran.

“O, ano ‘yang tinatago mo?”

Inilabas niya ang itinatago sa likod, “O, ito na ang anak natin.”

Inabot ko sa kanya ang isang manika, tuwang tuwa ako, at sa katuwaan ko’y niyapos ko siya at hinagkan sa kaliwang pisngi.

Napahagikhik siya, parang nagustuhan ang ginawa ko. “Hagkan mo rin itong kabila.”

“Bakit?”

“Kasi, nakikita ko, pag hinahagkan ni tatay si inay, magkabilang pisngi ang hinahagkan.”

“Ikaw naman, kulit-kulit . Sige na nga,” hinagkan ko ang kanang pisngi ng kababata ko.

Tuwang-tuwa siya.

NAITAYO na ang malalaking poste ng bahay at mataas na ang asinta ng hallow blocks. Inihanda na ang porma para sa pagbubuhos ng biga. Pinatulong ako ng kapatas sa pagtatayo ng mga pala-pala. Mataman kong inobserbahan ang paglalagay ng mga batangan at suliras. Naisagawa iyon nang ayon sa hangad kong tatag ng bahay. Nagporma ng mga plywood na de medya para sa pag-iislab at yaon ay nilatagan ng bakal na tama sa sukat na gusto ko. Tinalian ang mga bakal ng kawad sa tamang distansiya.

Habang pinagmamasdan ko ang ginagawang bahay, sumilid na naman sa isip ko si Melinda. Tapos na kami noon ng mataas na paaralan at kasintahan ko na siya. Nasa huling taon na siya ng kursong Nursing. Ako nama’y matatapos na rin ng Architecture. Nasa isip ko na rin ang plano kong kumuha ng Civil Engineering.

“Sweetheart, kung kasal na tayo at magpapagawa ng bahay, gusto ko’y matibay at matatag,” wika niyang tila nangangarap, “saka yaong malaki… mansiyon.”

“Bayaan mo,” tugon ko, “magsisikap akong mabuti. Pag natapos ko ang dalawang kursong gusto kong tapusin e maghahanapbuhay ako nang puspusan para sa ‘yo.”

“Oo, ‘lam ko namang gagawin mo ‘yon, tiwala ako sa iyo.”

Inilapit ko ang mukha ko kay Melinda, at naghinang ang aming mga labi. Maligayang-maligaya kami.


“HOY, Pedro, ano ba’t parang namamatanda ka na naman?” bulyaw ng kapatas. “Hindi pu’ede ang babagal-bagal, aba’y nag-iislab na tayo. Bilis-bilisan mo ang paghahakot ng halo at baka abutin tayo ng ulan, tingnan mo’t nagdidiklom ang langit.

“Opo,” sabi ko. Binilisan ko ang aking pagkilos.

Bawa’t isa’y naging masigasig sa aming pag-iislab. Tuloy ang paghahalo ng buhangin, semento at graba, tuloy ang paghahakot ng ng halo, ang iba’y nagpapasa-pasa ng timba ng halo hanggang sa makasapit ito na lugar na binubuhusan.

Nang mahinangan at mabuo na ang mga steel truss, iginayak na ang pagbububong. Ipinahanda at ipinahakot sa amin ng foreman ang nalalabing PVC para sa electrical wiring, at mga yerong pambubong. Elite type ang bubong na gagamitin, kulay maroon.

Anupa’t sa mabilis na paglipas ng panahon ay halos yari na ang ipinagagawang mansiyon.


ISA nang ganap na nars si Melinda noon, ako nama’y ganap nang arkitekto at Civil Engineer, nang isang araw ng Sabadong nasa White Beach kami ng Puerto Galera ay magpaalam siya sa akin.

“Pet, mag-a-abroad ako,” nakalingap sa akin ang mapupungay niyang mata. “Gusto kong magkaroon naman ng ibang karanasan sa pagiging nars.”

“Saan ka naman pupunta?” tanong ko.

“Sa London. Payag ka ba?”

“Kung gusto mo, at inaakala mong makabubuti sa iyo,” turing ko, “siyempre, payag ako.”

“Di ba para din sa atin ito at sa kinabukasan ng ating magiging mga anak?”

“Oo, alam ko ‘yon,” sang-ayon ko, “pero magkakalayo tayo!”

“Lumayo man ako… iiwan ko sa ‘yo ang aking puso at pag-ibig.”

“Talaga?”

“Oo, naman,” humilig siya sa aking dibdib. “Pagbabalik ko, payag na akong pakasal tayo.”

“Promise?”

“Nangangako ako.”

Ang pangakong iyon ng kasintahan ko’y naglahong parang bula. Nitong mga nakaraang buwan ay nawalan na kami ng komunikasyon.

Sa limang taong ipinamalagi niya sa United Kingdom, lagi kaming nag-uusap at nagbabalitaan. Kung di man kami makapag-usap sa telepono, nagpapalitan kami ng text o kaya’y nagpapahatiran kami ng email sa pamamagitan internet.

May ilang buwan na ngayong wala kaming ugnayan. Hindi ko na siya ma-contact. Tila nagpalit siya ng numero ng cell phone at ng email address. Walang sumasagot sa landline na dati kong tinawagan upang kausapin siya. Nilihaman ko siya sa huling pahatirang-sulat na ibinigay niya sa akin, nguni’t walang sagot akong natanggap.

Masamang-masama ang loob ko. Ganito pala ang hirap ng kalooban ng isang tunay na nagmamahal kung limutin ng kanyang minamahal.

Ang kutob ng loob kong lumimot at nagtalusira siya sa aming suyuan ay nagkaroon ng bahagyang linaw nang si Tito Bert na nangingibang-lupa din sa London ay magbalik-bayan. Ibinalita niyang nakita raw niya si Melinda at nakausap. Naging Private Nurse daw ang nobya ko ng isang bilyonaryong British. Pansin niyang si Melinda ay malapit na malapit sa ubod ng yamang pinaglilingkuran. O! Melinda, bakit mo nagawa sa akin ito! sigaw ng puso kong nagdurusa.

Gayunpaman, hindi ko pinabayaan ang aking sarili, ipinagpatuloy ko ang pagsisikap at puspusang paghahanapbuhay. Marami akong naging kliyente bilang Arkitekto at Enhenyero, at ito nga, sa ngayo’y pinagbubuti ko ang pagtatayo ng isang malaking mansiyon dito sa Lungsod ng Batangas.

NAYARI na ang malaking tahanang ginawa namin, liban sa ilan pang bagay.

“Dalhin mo nga rito, Pedro, ang kahon ng mga bisagra at kandado,” utos sa akin ng isa sa mga karpentero.

Ang ipinadadala ay mabilis kong kinuha, “narito na po.”

“Mabuti!”

Nang mapintahan ang loob at labas ng buong mansiyon ay sumunod ang pagla-landscape. Kay ganda ng ginawang halamanan sa paligid ng tahanan. At sa wakas, tapos na ang pinagpaguran naming lahat.


KAHARAP kaming lahat noon ng kinatawan ng may-ari ng ipinagawang bahay. Sabi niya’y gusto niya kaming makausap na lahat.

“Mamayang gabi, mga kasama, ay darating ang may-ari ng tahanang ginawa ninyo,” sabi ng kinatawan, “at isang salu-salo ang inihanda niya para sa inyo. Makikilala na ninyo siya.

“Sino po siya?” tanong ng kapatas.

“Mamaya, pagdating niya ay malalaman ninyo,” ngiti ng kinatawan.

Ikapito na ng gabi nang pumarada sa tapat ng mansiyon ang isang bagung-bagong Mercedes Benz. Laking pagkabigla ko nang bumaba sa sasakyan si Melinda, kasabay ng isang may-edad nang British.

Sa isip ko, marahil ay ang lalaking Puting kasama niya ang bagong nagmamay-ari ng kanyang puso. Sumulyap siya sa akin at ngumiti, nguni’t hindi siya lumapit. Ginanti ko siya ng isang tipid nguni’t may pait na ngiti.

“Mga kaibigan, narito ang may-ari ng tahanang ito,” pagpapakilala ng kanyang kinatawan, “si Bb. Melinda Bituin.”

Nagpalakpakan ang lahat, liban sa akin. Hindi ako makapalakpak dahil sa hapding nararamdaman ko sa puso ko.

“Magandang gabi po sa inyong lahat,” pasakalye ni Melinda. “Maraming salamat sa pagpapagod ninyo para sa tahanang ito. May ilang bagay akong nais ibunyag sa inyo.

Tumahimik ang bawa’t isa.

“Ang tahanang ito’y hindi ko lamang pag-aari. Kasama kong nagmamay-ari nito si Peter Katindig, ang aking kasintahan. Siya ang Arkitektong gumuhit ng plano at Enhenyerong namahala sa paggawa nito. Siya’y kasama ninyo sa pagbuo nito. Nagpanggap siyang nasa pangkat ng labor upang tingnan nang malapitan ang pagpapagawang ito. Alam kong malaking pagod ang dinanas niya. Ginawa niya ang lahat ng iyon upang hindi siya pangilagan at kasilungan ng mga manggagawa habang siya’y nagmamasid.”

Nagtaka ang bawa’t isa.

“Sino kaya siya?” umugong ang bulungan ng mga nakikinig.

Ibinunyag ni Melindang nalaman niya ang lahat sa kanyang kinatawan. Ipinagtapat niyang sinadya niyang huwag makipagkomunikasyon sa akin ng ilang buwan upang sorpresahin ako sa gabing ito.

Lumapit siya sa akin, hinawakan niya ako sa sa kamay, saka isinama ako sa gitna. Takang-taka ako, nguni’t sumama ako sa kanya.

Napasulyap ako sa kapatas na nambulyaw at nagmalabis sa akin sa buong panahon ng paggawang iyon ng mansiyon. Hiyang-hiya siya at hindi makatingin nang tuwid sa akin.

Nagpatuloy si Melinda ng pagsasalita.

“Malaking halaga ang ipinagkaloob sa akin ng pamilya ng British kong pinaglingkuran bilang Private Nurse sa London kaya nakapagpagawa ako ng ganitong kaluhong tahanan. Kasama ko ngayong gabi ang isang myembro ng kanilang pamilya. Siya ang isa sa magiging ninong namin ni Peter sa aming kasal. Di magtatagal, ikakasal na kami at lahat kayo’y inaanyayahan namin.”

Ang kasamang Puti ni Melinda ay nagsalita rin. Nagmagandang gabi siya, at matapos na magpasalamat sa ginawang paglilingkod ng kasintahan ko sa kanilang pamilya bilang nars, ay sinabi niyang magpapatayo siya ng ilang malalaking gusali rito sa Pilipinas upang simulan ang malaking negosyong Hardware. Lahat daw na gumawa sa tahanang katatapos namin ay kukunin niyang mga trabahador. Si Peter Katindig daw ang gagawin niyang General Manager ng mga Hardware na malapit nang simulan. Tuwang-tuwa ang lahat at pinagsaluhan ang isang masaganang hapunan.
Nang magkasarilinan kami ni Melinda, hinawakan ko ang kanyang mga kamay.

“Totoo ba ang lahat ng ito, Sweetheart?” bulong ko.

“Totoong-Totoo!”

“Akala ko talaga, nalimot mo na ako at nakakita ka na ng iba.”

“Hindi mangyayari ‘yon. Habang buhay, ikaw lang ang mahal ko.”

“Tunay na tunay?”

“Oo, naman. At maitutuloy na natin ang sinimulan nating bahay-bahayan nang mga bata pa tayo.”

“Saan natin itutuloy?”

“Sa mansiyon nating ito.”

Bigla kong kinabig si Melinda at hinagkan. Hindi namin namamalayang nakapaligid pala sa amin ang lahat. Nagpalakpakan sila.—
"FACEBOOK... ang bago kong kasintahan!"


Hardpen, Peeker, Quijano de Ilocandia... ano man iyong pangalan,
hayaan mong ipakilala ko sa iyo ang bago kong kasintahan,
ilang buwan pa lang kaming magkasama at naglalandian,
sa aking palagay, fling na ito ay matatagalan!

Simula ng ako ay mapadpad dito sa Inglatera,
mga matatalik kong kaybigan sa Pinas di ko na nakita,
wala rin akong maituturing ditong mga barkada,
pagkat laging busy sa trabaho at pag-aalaga ng mga bata.

Para akong kuting na nahulog sa kumunoy,
hindi makaahon kahit ano pang gawing langoy,
dito sa kinapadparan kong lugar na malayo sa mga Pinoy,
talaga namang napakalungkot, ang buhay walang kalatuy-latoy.

Buhay ko naman dito ay masagana at maligaya,
sapagkat kapiling ko nga buo kong pamilya,
sapat na iyang bumura sa ano mang pangungulila,
na nararamdaman tuwing mga kaybigan ay naa-alala.

Subalit human nature ang sabi nga nila,
na tayo ay maghanap din ng mga taong nakakasalamuha,
mga taong kauri at kaparehas ng ating wika,
hindi mga ibang lahi o mga taong banyaga.

Mabuti na lang at may social networking,
na binuo nitong mga taong sa computer ay magagaling,
kahit papaano mayroon na rin akong nakakapiling,
sa mga oras na ako'y hindi makatulog ng mahimbing.

Nagsimula akong kay FRIENDSTER ay makipag-landian,
ngunit sa di alam na dahilan, sa isa't isa kami ay nagpaalam,
parang magsiyotang naghiwalay matapos magmahalan,
pagkat puso kong palikero ay may ibang natipuhan.

Simula kasi nang biyuti ni FACEBOOK ay masilayan,
hindi na mapakali ang puso ko sa nararamdaman,
agad-agad ko itong nilapitan, sinuyo at niligawan,
salamat naman at ang paglalandi ko'y kanyang pinaunlakan.

Sa mga unang araw ng aming pagsasama,
pagmamahal niya'y hindi ko masyadong madama,
marahil dahil bago pa lang kaming magsiyota,
pinag-aaralang mabuti ang galaw ng bawat isa.

Kalaunan nagkahulian ang aming damdamin at paghanga,
naging maayos at maligaya ang aming pagsasama,
bawat haplos ko sa kanyang mga makikinis na tiklada,
mga mensahe ko'y mabilis na pinaabot sa mga kakilala.

Para akong idinuduyan sa kalangitan,
kung saan ang mga anghel ay nag-aawitan,
kaysarap-sarap talaga ng aking pakiramdam,
tuwing ako ay uuwi at siya ay mahawakan.

Pangungulila ko sa mga dating kakilala ay naibsan,
sa tulong nitong bago kong malanding kasintahan,
pati mga dating kaklase sa mga lumang paaralan,
na-meet ko silang muli at nakabalitaan.

Mga larawan ko ay masinop niyang inalagaan,
inilagay sa kanyang PHOTO ALBUM at pinagyaman,
buong pagmamalaki niya itong binubuksan,
sa bawat kaybigang dumalaw sa aming tahanan.

Hinahayaan din niya akong malayang makapagsulat,
sa pahina ng mga NOTES niyang mistulang aklat,
dito ko lahat madamdaming isinisiwalat,
mga kwento ng buhay kong sa akin ay magpapasikat.

Sa lahat ng mga okasyong mahahalaga,
kinukunan ko ito ng mga videong magaganda,
buong ingat niya itong ie-edit tapos ilalathala,
lalapatan ng musika at ilagay ng maayos sa VIDEO box niya.

Buong lambing din niya akong pinasisilbihan,
tinatanggap niyang lahat mensahe ng mga kaybigan,
sa NOTIFICATIONS niya sa akin ay pinaparamdam,
ng makita ko agad at buong sabik ko itong mabuksan.

Ang kasintahan kong ito ay sadyang napakabuti,
ni hindi marunong magselos at magdalamhati,
kahit pa nga ako ay malimit na pinuputakti,
ng mga naggagandahang dilag na gustong bumati.

Lahat ng mga nag-iimbita at nais makipagkaybigan,
buong-puso niya silang tatanggapin with open arms,
sa FRIEND's LIST niya ililista lahat ng mga pangalan,
walang hinihindian, lahat kanyang pinagbibigyan.

Mayroon din siyang pinagkaka-ingatang sulok,
kung saan niya itinatago mga paborito kong tugtog,
ang kanyang MUSIC box kapag iyong hinalughog,
pihadong mapapaindak ka sa mga magagarang tunog.

Hindi lang pagtanggap ng kaybigan ang sa aki'y pagsisilbi niya,
FRIEND SUGGESTION ay kanya ring ipinapakita,
gusto talaga niyang dumami ang aking mga kilala,
at tuluyan akong malunod sa tuwa hatid ng pakikisalamuha.

Naglagay din siya ng isang napakalapad na dingding,
kung saan lahat malayang magsulat at mag-alay ng bituin,
sa dingding na yan lahat ng kaybiga'y pwede kong sagutin,
pagkat sa WALL na 'yan lahat ay pwedeng tumingin.

Sa pagnanais niyang ako'y personal na makilala,
ng ibang mga tao bago ako anyayahang maging kaybigan nila,
naglaan siya ng INFO box na kahit sino pwedeng makakita,
mga bagay na tungkol sa akin, ako ba'y gusto nila.

Kung may mga mensahe namang For my Eyes Only,
sa kanyang INBOX ay pwede kang send message to me,
ako lang ang makakakita at makakabasa ng iyong mensahe,
di ba ang bait-bait niya, binibigyan pa ako ng privacy!

Sa mga oras na ako'y nalulumbay at at walang magawa,
alam kong nalulungkot din siya, gusto niya akong magsaya,
kaya naman sa GAMES sinigurado niyang talaga,
na may mapaglibangan ako at tuluyang lumigaya.

Lahat ng mga kaybigan ko'y kanyang naa-alala,
ang buwan at araw ng mga kapanganakan nila,
sa BIRTHDAY notifications malugod niyang ipinapakita,
kung sinong dapat kong batiin sa kaarawan nila.

Talagang kahit na ano, wala sa kanyang nakakaligtas,
lumang mensahe, bagong larawan o anumang aktibidad,
sa kanyang NEWS FEED lahat ng ito sa iyo ay bubungad,
mga pinaggagawa ng mga 'igan mong sa Facebook din ay bangag!

Ayan ang bago kong kasintahan kaybigan kong katulaan,
hindi nagtagal natuklasan kong siya pala ay salawahan,
puso niya pala'y mapaglaro at todo-bigay kung makipag-landian,
di ko akalaing lahat pala tayo ay kanyang pinatulan!

Wala pala siyang pinipili kahit na sino,
mapalalaki, mapababae, bading man o tibo,
ang importante sa kanya ay walang mabibigo,
lahat ng liligaw... sasagutin niya ng matamis na OO.

Datapwat siya ay salawahan at maraming kasuyo,
nagpapasalamat pa rin ako at siya ay nakilala ko,
dahil kung hindi, mananatiling mga kaybigan ko'y nakatago,
parang mga misteryong di ko maaninag kahit na anino.

Kaya sa iyo Biyutiful FACEBOOK na aking kasuyo,
ako'y nagpapasalamat sa kaibuturan ng aking puso,
handa akong maging isa lang sa marami mong mga kalaguyo,
huwag mo lang akong iiwan at huwag sa akin lalayo!

"SANHI NG HAPDI ANG ARI NA MAKATI"

Ang pag-aari ni Juan ay kay Juan,
hindi dapat pakialaman ninuman,
kapag ibang tao'y iyong pinagnakawan,
ito'y isang mabigat na kasalanan.

Isipin mong ang pag-aari ng iba,
ay galing sa kanilang sipag at tiyaga,
kaya kung gusto mo ang meron siya,
kunin mo ito sa paraang hindi masagwa,

Ang ibang tao'y may mga pag-aari,
na nanggaling sa paraang marumi,
ngunit hindi ito dapat na magsilbi,
na rason para agawin ito para sa sarili.

Ang bawat tao ay may kaparehang nakalaan,
kaparehang galing sa may kalangitan,
kaya nga nilikha si EBA para kay ADAN,
iyan ang dapat nating pagkakatandaan.

Matuto at magtiyaga lang tayong maghintay,
sa kaparehang darating sa ating buhay,
para malasap ang ligayang walang kapantay,
kasama ang magmamahal sa atin ng tunay.

Kapag iyo lamang inagaw,
ang puso ng iyong kaulayaw,
mapagtatanto mo rin balang-araw,
na relasyon ninyo’y sadyang mababaw.

Mas masaya kapag ang iyong kapareha,
ay sarili mo ang kanyang puso't kaluluwa,
pag-iibigan ninyo’y mas malalim at mabunga,
walang nakapagitang kasalanan sa inyong pagsasama.

Ang pagsasamang nabuo sa pangangalunya,
ay tulad ng bahay na pundasyon ay mahina,
ang haligi at ilaw ay madaling masira,
sa mahinang lindol ito’y guguho at magigiba.

Ang pakikiapid ay ugaling makalupa,
asal ng isang hayop na walang halaga,
sa batas ng tao at sa Panginoong-Lumikha,
illegal at immoral ang ganitong gawa.

At kung sakaling magbiro ang tadhana,
na ang pangangalunya ay magbunga,
isa na namang walang malay na bata,
ang nabuo ng makasalanang pagsasama.

"Kung ano ang bawal ay siyang masarap,"
isang kasabihang mali ang sangkap,
kapag ito’y iyong pinaniwalaan at niyakap,
masisira lang ang magaganda mong pangarap.

Agawin mo ang taong meron ng kasuyo,
at ariin mo itong parang sarili mo,
batas ng KARMA... sa iyo rin ay dadapo,
siya ay aagawin din sa iyo ng tukso.

Ang mahinang lumaban sa init ng apoy,
ay madaling malunod sa isang kumunoy,
katulad ito ng isang hayop na baboy,
sa maruming burak siya nag-eenjoy.

Kaya naman mga minamahal kong kaibigan,
pag-agaw sa pag-aari ng iba ay ating iwasan,
kung tayo ay nasa ganitong sitwasyon sa kasalukuyan,
habang maaga pa… iwasto natin ang gawang kamalian!

"BAKIT MO KINAIN"


Minsang ako'y naglalakad sa may tabing dagat,
ako'y nakakita ng isang bagay na aking ikinagulat,
dagli ko itong nilapitan at masusing sinipat,
ay diyuskupo... muntik na akong mawalan ng ulirat!

Isang bagay na kumikinang sa tama ng sinag ng araw,
ang kanyang balat ay talaga namang nakakasilaw,
nakakasiguro akong lahat ng sa kanya'y maka-aninaw,
atensiyon ay makukuha, sa tabi niya'y di papanaw.

Tulad ko na lamang na labis ang pagkabigla,
sa pagkakita ko sa kanyang itsurang nakabukaka,
malamang sa hindi, lahat ng sa kanya ay makakita,
mapapalunok, maglalaway, didighay ng pagkahaba-haba!

Ang itsura niya ay mahirap isalarawan,
ngunit batid kong ito'y isang bagay na pangkaraniwan,
gustung-gusto ito ng kababaihan lalo na ng kalalakihan,
paborito nga rin ito ng bading kong kaybigan.

Nang akin itong hawakan at haplusin ng malumanay,
mayroon akong naramdamang biglang nagkabuhay,
para akong idinuyan sa saliw ng kantang "Usahay,"
tuhod ko ay nangatog, para akong mabubuway.

Hindi ko mapigilan ang aking sarili,
hinawakan ko ito ng mahigpit saka ko dinaliri,
naramdaman ko ang kanyang dulas, muntik na akong mapa-ihi,
lumabas kanyang katas, ano ba sa kanya nangyayari?

Ilong ko'y inilapit sa kanya saka ko inamoy-amoy,
ahhhh... para akong nakasinghot ng pabangong dumaloy,
nag-init buong katawan ko, para akong nadarang sa apoy,
pakiramdam ko... parang sa paraiso ako ay pinatuloy!

Sa naramdamang ito na talagang kakaiba,
lakas-loob kong idinampi dito ang aking dila,
naramdaman ko kanyang dulas, sa laway ko siya ay nabasa,
ummmm... kakaiba at nakakarindi ang kanyang lasa!

Muli kong pinagmasdan ang kanyang itsura,
sa kanya'y pinagsawa ng husto aking mga mata,
siya'y mainit-init, madulas, basa at namumula na,
ako'y napalunok, naglaway at sa sarili'y nawala.

Mahigpit ko siyang hinawakan saka muling dinaliri,
inamoy na muli at saka ang dila'y idinampi,
sa puntong yun di ko na talaga napigil aking sarili,
kinain ko siya at ako ay napasigaw ng yummmmyyyy!

Biglang may mabigat na daliring kumalabit sa aking likuran,
laking gulat ko, ako'y napatayo, saka likod ko ay tiningnan,
malahiganteng mama ang nakatayo ngayon sa aking harapan,
galit niyang tanong, Bakit mo kinain ang TAHONG kong ulam?

TANONG NG PUSO KO”


Pag-ibig mo sa aki’y di ko mahulaan
Lugar ko sa puso mo’y di ko malaman
Ngunit isip ko’y naguguluhan
Pag-ibig ko’y lumalim at bakit mo hinayaan

Sayo ba’y sino talaga ako?
At ano naman sya sayo?
Kung mahal mo akong totoo
Lahat ng ‘toy masasagot mo

Natutuwa ako dahil ako ang pinili mo sa amin
Ngunit marahil sa kanya ay binawi mo na rin
Kaya’t sya’y bumalik dahil ’lam nyang sya’y mamahalin
At ako ay iyo lamang paaasahin

Sana’y walang halong kasinungalingan
Lahat ng salitang iyong binibitawan
Naging sinungaling man ako minsan
Ngunit ito’y dahil ako’y iyong tinuruan

Masakit sa aki’y kayo’y nagkikita
Masakit malamang di mo pa kayang mawala siya
Masakit tanggapin wala ka pang ginagawa
Ito’y marahil hindi mo pa kaya

Bakit hinayaan mong muling masaktan
Ang puso kong humilom na’t muli mong sinugatan
Bakit ang puso ko sayo’y di mo iningatan
Inalay pa man din at iyo lamang pinabayaan

Hiling ko… ako’y iyong iwan
Kung sya naman ang iyong pinangakuan
Hiling ko... ako’y iyong pabayaan
Kung ako’y iyo lamang sasaktan

Ayokong pag-ibig ko sayo’y iyong sayangin
Kung hindi mo rin lang ako mamahalin
Ayokong sarili ko sayo’y pilitin
Kung sya naman talaga ang iyong pipiliin

Kelan ko maririnig na sa kanila’y iyong sinasabi
Na ako’y minamahal mo at di mo tinatanggi
Di lamang sa akin kundi mga nasa paligid pati
Sana maranasan kong minsa’y ako’y pinagmalaki

Pero ito lang ang masasabi ko
Bukas pa rin ang pinto ng aking puso
Ngunit di naghihintay sayo sa pinto
Baka lang kasi sa pag-ibig mo’y ako’y mabigo

Sana sa pagbalik mo
Tunay na pag-ibig ang alay mo
Walang pagdududa at pagkalito
Walang sinuman nasa loob ng iyong puso

Kelan mo ipapahinga ang puso ko
Kelan mo pangingitiin ito
Kelan hihimbing ang tulog ko
Kelan masasagot ang mga TANONG NG PUSO KO

ANG NAKAPAGITAN SA NAGKIKISKISANG MGA LAMAN(CONDOM)


condom daw ay epektibo,para maiwasan ang sakit na tulo,herpes, syphilis at HIV na lalo,huwag lang itong may butas sa dulo.

Bagamat ang paalalang ito ay may punto at tama,taliwas ito sa mga turo ng Simbahang Katolika,ang pagtatalik ay para lang daw sa mag-asawa,pagkatapos humarap sa banal na dambana.

Ang paglaganap ng condom sa mga tindahan,pati na ang pamamahagi nito ng pamahalaan,ay para bagang pang-uudyok sa mga kabataan,okay lang makipagtalik basta ang ARI ay suputan.

Sa pagtatalik ay dapat tayong masiyahan,dahil nga kasama ito sa ating pangangailangan,ngunit paano mo malalasap ang tunay nitong linamnam,kung sa pagkiskis ng mga laman ay may condom na nakapagitan!

Ang condom ay isa ring tukso,lalo na sa mga maiinit ang dugo,dahil nga sa pakiramdam nilang sila'y protektado,bira dito... bira doon... lahat ng makalantare ay kinakabayo!

Para naman sa mga mahilig mangaliwa,ang condom ay parang isang agimat na mabisa,ginagamit upang maiwasang magkaroon ng bunga,ang patagong pagtataksil na kanilang ginagawa.

Sa kabilang banda ay gamit din ito,nang mag-asawang ayaw ng sumakit ang ulo,na madagdagan pa ang mga anak at maging pito,nagtitiis na ang sarap ng pagniig ay hindi kumpleto.

Noong unang panahon ay wala namang condom,naimbento na lang ito ngayong makabagong panahon,dahil nga sa nagsulputang mga sakit at impeksiyon,na nakukuha sa pakikipagtalik ng walang proteksiyon.

Baka pagdating ng panahon guwantes na ay kailangan,kapag ikaw ay nangapa ng aring pinagnanasaan,at baka sa kamandag na hatid ng sakit ng kamunduhan,kamay mo'y maagnas na lamang kapag ikaw ay dinapuan.

Ummmppp... grabe naman kung ganoon,ang mangyari pagdating ng panahon,pero pwede ngang mangyari at magkaroon,ng sakit na ganyan katindi ang dulot na impeksiyon.

Paano na lang sa mga mahilig kumain,nang sariwang tahong at malalaking saging,siguro proteksiyon sa bunganga ay kailangan na din,para hindi maputol ang dila at malagas ang mga ngipin.

Kaya nga naman habang maaga pa,iwasan na lang ang pakikipagtalik sa iba,makuntento sa sarap na bigay ng asawa,condom ay di na kailangan... sarap ay lasang-lasa!

No comments:

Post a Comment